Since this page is
'Felicity's Thoughts', everything posted is ofcourse about aira at msv. But this one isn't. Nasa fs account ko ang complete details ng post na ito. I won't elaborate. Just one thing, isa po ito sa mga books ko na hindi n'yo mababasa sa msv kasi nasa kabila siya.



I've posted this for elise. she knows why. Den, tulad ng sabi ko, it won't hurt to be different, hehehe. Aja smart girl! :-)
An excerpt...
NAKITA niya ang pagdaan ng pamilyar na bulto ng isang babae. Dahil sa liwanag na nagmumula sa gasera ay natiyak niyang iyon ang babaeng nasalubong niya sa dalampasigan—ang anak ni Lola Ming. Kumawala siya mula sa mga bisig ni Franco at sa marahang kilos ay nag-angat siya ng ulo upang sundan ng tingin ang babae.
Nagtuloy ito sa papag ni Lola Ming. Tinunghayan nito ang matanda ng ilang segundo bago marahang kumilos ang mga kamay nito. Kinumutan nito ang matanda ‘tapos ay masuyong hinagkan sa noo. Saka ito pumihit upang marahil ay umalis na—doon nagtama ang mga mata nila.
Ngumiti ang babae na tila ba inaasahan ng gising siya. Pero wala itong anumang sinabi, kaswal lamang na naglakad at nilampasan siya, katulad rin nang kung paano ito dumating kanina.
Tuloy-tuloy ito sa direksiyon ng altar. Nang tumapat roon ay dinampot nito ang—puting rosas? Hindi niya napansing may puting rosas na nakalagay sa larawan nitong naroon. Ngumiti ang babae, inamoy-amoy ang rosas bago siya nilingon. Muli itong ngumiti sa kanya bago tumuloy sa kusina.
Hindi niya alam kung ano ang nagtulak sa kanyang sundan ito. Pinalaya niya ang sarili mula sa yakap ng mahimbing na si Franco at tinungo niya ang kusina.
At naabutan niyang naroon ang babae at humihikbi. May kung ilang minutong naroon lamang siya at pinagmamasdan ito, wala siyang mahagilap sabihin.
Nilingon siya nito mayamaya—na para bang naramdaman ang presensiya niya sa likuran.
“Tulungan mo ako,” luhaang pagsamo nito. “Dalhin mo siya rito…” at umakma itong aabutin siya pero hindi na na nito nagawa—dahil tila usok na itong unti-unting naglalaho sa paningin niya.
“S-Sino—sino ang dadalhin ko rito?” nagawa niyang isatinig. Subalit tuluyan na itong naglaho sa paningin niya.
“HOPE?” pagtataka ni Franco. Magkasunod lamang ang pagbalikwas nila ng bangon. Nakaawang ang labing bumalik ang mga mata niya rito ‘tapos ay napalunok. “Nagulat ako sa bigla mong pagbangon,” anang lalaki, umusog ito at naglanding sa buhok niya ang palad nito, masuyong humagod roon. “Are you okay?” usisa nito. Nang hindi siya tuminag ay sinapo nito ang baba niya. “Magsalita ka. May problema ba?” bulong lamang ang usapan nila dahil mahimbing pa si Lola Ming.
Napakurap-kurap siya at dumako ang tingin sa matandang natutulog sa papag. Ang kumot…mariin siyang pumikit at hinagod-hagod ang sintindo. Hindi siya maaring magkamali, hanggang dibdib nga ang kumot ng matanda—dahil kinumutan ito ng babae sa panaginip niya!
Panaginip nga lang ba iyon?
Bumalik ang mga mata niya sa higaan nila ni Franco. Tandang tanda niyang magkayakap rin silang natutulog sa panaginip niya bago siya bumangon—at mismong ang mga suot nilang damit ang suot nila sa panaginip niya!
“Franco…” nausal niya, nagsimulang kumabog ang dibdib niya. Ano’ng ibig sabihin nito? Tama bang isipin niya na nangyari talaga ang lahat at hindi isang panaginip lang? “What?” bulong na tanong ni Franco. Dumako sa larawang nasa ibaba ng altar ang tingin niya. “May…may nakita kabang rosas sa tabi ng larawang iyan?” sumunod ang mga mata ni Franco sa tinutukoy niya. “White rose? Yeah…” marahas siyang napasinghap. Wala sa sariling kumapit siya sa bisig nito. “N-Nasaan ang…ang sinasabi mong rosas?” anas na tanong niya, papalakas ang kabog sa dibdib niya.
“Hindi ko alam.” Ani Franco, naramdaman marahil ang pagkabalisa niya kaya bahagya siyang kinabig, hinagod-hagod ang braso niya. “Baka nga totoo ang sinasabi ni Lola Ming,”
“Sinasabing ano?”
“Mula ng dumating ako rito, tuwing uuwi ang matanda ay may dala siyang rosas at inilalagay sa tapat ng larawang iyan. Paborito raw ng anak niya ang rosas, kaya kinukuha raw nito iyon tuwing dadalaw rito.”
Muli siyang napasinghap. “Hindi ko nakitang dumalaw rito ang anak niya pero nawawala na lang basta ang oras…”
“Oh God…” usal niyang nagtayuan ang lahat ng balahibo sa katawan. Masama ang naiisip niya. At…at kung tama ang kutob niya, ang babae ay…
“Why?” susog ni Franco, napansin marahil na tila siya mawawalan ng malay anumang sandali.
“Ang sabi mo…ang sabi mo Franco, nabanggit ni Rish na mag-isa na lamang at wala ng pamilya si Lola…”
“Yeah…”
“Oh, God…” naibulong niyang pinanlamigan ng pakiramdam. Hindi normal ang paghinga niya nang sumubsob siya sa dibdib ni Franco habang mariing nakapikit ang mga mata. “She’s dead, Franco. She’s dead…”
“What? Ano’ng ibig mong sabihin?”
“I saw her. I saw her, I swear—kanina lang, kinumutan niya si Lola Ming at…at kinuha niya ang rosas. Oh, God! Oh, God…Sino ang gusto niyang dalhin ko rito—”
“Shhh…” saway nitong nahimigan marahil ang bumabangong hysteria sa dibdib niya. Mahigpit siya nitong niyapos. Hinagod-hagod ang buhok niya at likod. Humihikbi na siya sa dibdib nito nang mga sumunod na sandali....
Happy reading, everyone... :-)